Sunday, May 10, 2009

pag-uulayaw sa kalangitan!

09 May 2009 / 10:30pm

Nais kong matulog ng maaga sa araw na ito dahil sa pagod ng nagdaang araw… para na rin paghahanda sa maagang pag gising dahil maraming dapat asikasuhin sa araw ng bukas sa kadahilanang bago ako umulis ng opisina sa araw na ito ay inabisuhan ako ng aking bosing na meron daw kaming audit bukas… imagine bukas ang audit sasabihan ka pauwi ka na… okay lang at least sa kaugaliang iyan ng mga katutubo kami kumikita dito sa ibayong dagat bilang OFW.

Bakit parang naiba ang tema… bumangon ako dahil gusto kong magsulat para batiin si nanay puring at ang aking mahal na tatay viring… habang sinusulat ko ito ay nagpapalitan kami ng sms ng aking sister na siyang laging kasama ni nanay puring sa bahay… siya daw ay nalulungkot, di makatulog dahil mothers day na nga… naaala-ala nya si nanay puring gaya ko! Ito kasi ang unang mothers day na di ko mababati ng personal si nanay puring… hindi ko maririnig ang magiliw nyang pasasalamat sa pag-ala ala ko sa kaniya… noong isang taon lamang… naisip kong personal na bigyan ng tribute si nanay puring… without knowing na iyon napala ang huling mothers day na babatiin ko sya sa telepono… magpapabili ng roses para sa kaniya at kung hindi cake ay ice cream ang kasama depende sa gusto nya matapos naming mag usap sa telepono… ang dami kong gustong sabihin… ang dami kong gustong isiwalat sa panulat patungkol sa pag-ibig ko at pag giliw sa aking pinakamamahal at dakilang nanay puring… subalit laging di ko malaman kung san magsisimula… isinusulat ko ito ay walang tigil sa pagtulo ang aking luha… dahil ano man ang gawin ko, di kona sya makikita at mayayakap pa… di ko na sya mapipisil, mahahalikan… di ko na mahahaplos ang kaniyang mga pisngi… di ko na sya makikiliti… higit sa lahat hindi ko na muli pang makikita ang tamis ng kaniyang mga ngiti… ang hirap pa ring alalahanin… mabigat pa rin sa damdamin kapag dumarating ang pagkakataong matitingala ako at lilibot ang paningin ko sa kabuuan ng aking silid… dahil naroroon at buhay na buhay ang mga larawan ni nanay puring… siguro darating din ang pagkakataong… maligaya kong tatanggapin na sadyang lumisan na ang aking nanay…!

Dapat masaya ako sa araw na ito… dahil magka date ang aking nanay at tatay doon sa dakong itinakda ng Poong Maykapal… dahil sa araw ng bukas (10 may) [di ko kasi maipo post ito today dahil nasira ang aking internet connection dito sa bahay… kaya kelangan kong dalahin sa opisina] ay araw ng mga dakilang babae sa buhay ng bawat isa… at sa susunod na araw (11 may) ay dakilang kaarawan naman ng aking namayapang tatay viring… malungkot ako at ang buong pamilya namin sa pagkakataong ito dahil habang ang buong mundo ay nagdiriwang ng may kagalakan sa araw ng mga ina… ngayon naman ang unang pagkakataong di naming kapiling sa okasyong ito si nanay puring… subalit maligaya naman ako dahil aking iisipin na mayroon date si nanay puring at tatay viring para ipagdiwang nilang muli matapos ang napakahabang panahon, labinglimang taon… ang mothers day at ang birthday ni tatay viring. Nay at Tay… ganon na rin ang aming mga panganay na kapatid na lalaki at babae… sila kuya nomer… at ate leila… enjoy nyo ang grand celebration nyo dyan… bagamat malungkot kami dito… alam naman naming kayo‎‎‎’y magkakasama sama dyan… don’t worry nay… okay na po kaming magkakapatid… siguro naman kitang kita nyo noong inihatid ka namin… nay at tay, kuya nomer at ate leila… mahal na mahal ko kayo, mahal na mahal namin kayo… at sakali man na ako’y paulit ulit na lumisan at bumalik sa daigdig na ito… kayo pa rin ang labis kong pipiliin na maging magulang at mga kapatid… i-enjoy nyo po ang inyong reunion diyan!

Paala-ala ko sa bawat isa… kahit na mayron na tayong kani-kaniyang mga asawa at pamilya… huwag nating kalilimutang alalahanin at bigyang halaga ang ating mga nanay… dahil sila ang mga taong di natin pwedeng mapalitan sa ating buhay… huwag natin silang ipagsawalang bahala… ibigay natin sa kanila ang pagkilalang nararapat lamang na ipagkaloob natin sa kanila… huwag na nating hintayin pang maging huli ang lahat bago tayo maka-isip na ipadama sa kanila ang ating pagmamahal at pagkalinga… unawain nating silang lubos higit sa pang-unawang ibinigay nya sa atin ng mga panahong di tayo kauna-unawa… ng mga panahong ang kahulugan sa atin ng kaligayahan ay ang magsaya at magdiwang kasama ng ating barkada… ang mga ngiti ay nasa ating labi sa bawat pagkakataong sinusuway natin ang kanyang kagustuhan… bigyan ng importansya ang iba kaysa sa kaniya… tapos na ang mga panahong yaon… marami pa tayong pwedeng magawa para bigyan sila kahit kaunti man lamang kaligayahan… ang maala-ala mo lamang sila at masabihan ng I love you ay sapat na sa kanila… happy mothers day po sa lahat ng mga ina ng tahanan!