Sunday, June 15, 2008

seven sins

1. wealth without work.
2. pleasure without conscience.
3. knowledge without character.
4. commerce without morality.
5. science without humility.
6. worship without sacrifice.
7. politics without principle.

- mahatma gandhi

Friday, June 13, 2008

a great father of ten...


ang ngalan nya ay virgilio aranuel macahilo sr. ipinangak noong 11 may 1926… isang amang hangad ay ang kapakanan ng kaniyang maybahay at sampung anak (isa na po ako doon)… sya ang aking dakilang ama! may dakilang disposisyon sa buhay hindi nagbubuhat ng kamay sa aming magkakapatid subalit kaming lahat ay lumaking mayrong takot ng paggalang sa kaniya (lalo na ang aking mga nakatatandang kapatid). hindi ko lubos na kilala ang iba pang pag-uugali ng aking ama sa kadahilanang maaga siyang binawi sa ‎amin ng Poong Maykapal, nilisan nya kami noong 8 may 1980 at ako‎’y siyam na taong gulang pa lamang ng mga panahong yaon at nais kong sariwain ang mga magagandang bagay na ipinadama niya sa akin ng personal na hindi ko napagbigyan ng pansin sa aking murang kaisipan… na ng ako‎’y nasa hustong gulang na ay aking hinahanap-hanap! gustong-gusto nyang natutulog kami pagkatapos ng pananghalian para daw madaling lumaki… na bilang isang bata ay ayaw ko at mas nais ko ang makipaglaro sa mga kapitbahay lalo na tuwing sabado at linggo, laro sa gitna ng init ng araw… habulan hanggang sa magkapawis-pawis… patintero… shatong… tapos maya-maya ay mauulinigan mo na lamang na tinatawag ang aking pangalan dahil nawala ako sa kaniyang tabi habang natutulog… sabay ggggggggggrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrr na may kasamang padyak ng mabigat na paa at malalim na malalim na buntong hininga… di kami makahingi ng pera sa kaniya dahil ang pilit na ibibigay sa amin ay pagkain para daw hindi kung ano ano ang kinakain namin... gustong-gusto nya rin at love na love niyang sya ang aming personal na barbero, lalo na naming dalawang magkapatid… iyong bunso namin na sumunod sa akin, dalawang taon lamang ang aming pagitan… at gusto nyang hair do namin ay ang tuktok lang ang mayroong buhok with matching ahit na masakit iyong paligid ng aming ulo habang inaahit… laging paiyakan kapag gugupitan kaming magkapatid… dahil kahiya at dyahe sa mga klasmeyts at kalaro… pendong! Hehehe ehehehe heheheh kaya pag alam namin na medyo mahaba haba na ang buhok namin hihingi na lang kami kay nanay puring ng pampagupit sa bayan para gupit binata…! Sya ang tipo ng amang hindi bulagsak dahil di ko siya nakitang naglasing or nakipag inuman sa barkada… pero kita ko syang umiinom ng beer, isa or dalawa subalit hindi nagpapakalasing… sya’y naninigarilyo subalit hindi madalas… isa sa ayaw na ayaw kong iniuutos nya sa akin ay ang pagbili ng kaniyang sigarilyo dahil sadyang napakalayo ng tindahan at ayaw na ayaw ko ang naglalakad kahit hanggang sa ngayong nandito na ko sa gitnang silangan… ayaw ko pa ring maglakad ng malayo lalo na mayroon bitbit na plastic bag. tuwing araw ng sweldo… alam ko yaon kahit paslit pa lamang ako, dahil lagi syang may bitbit na kung ilang salop na bigas na nakalagay sa kulay brown na matigas na papel at kaunting prutas.

na miss ko ng husto ang aking ama ng ako ay malapit ng magtapos sa mababang paaralan… parang medyo nananaghili ako sa aking mga kaklase kapag kasama nila ang kanilang tatay, may sumbungan kapag merong nang-aaway sa eskwela at higit sa lahat merong kasamang maglalakad papunta sa liwasan upang mamasyal… siguro habambuhay ko nang magiging regret ang hindi ko man lamang naipadama sa tatay ko kung gaano ko sya kamahal at pinahahalagahan gaya ng gustong-gusto kong ipagkaloob kay nanay puring… siguro kung alam ko lamang na maaga syang mawawala sa aming piling… lagi na lang kaming magkatabing matutulog sa tanghali at mahilig syang yumakap sa akin habang natutulog para daw di ako makatakas… miss na miss ko po sya sa totoo lang… hindi man lamang ako nagkaroon ng pagkakataong maibili sya ng mga bagong damit at sapatos… relos at kung anong naisin nya. Kaya wala akong magawa kung hindi kapag ako ay nasa bakasyon at walang tao sa paligid… pilit kong tinitingnan na lamang ang kaniyang malaking larawan subalit alam kong kahit saan man sya naroroon batid kong maligayang maligaya sya dahil kahit lumaki kaming wala sya sa piling namin ay pilit akong hindi naging pasaway at mahal na mahal namin si nanay puring! kaya TAY san ka man po naroroon at kahit di mo na ako naririnig sa mga sumandaling ito… mahal na mahal kita at naming mga mag-kakapatid, ang tanging tanong ko lamang… kilala mo kaya kami kung sakaling dumating na ang panahong magkita-kita na tayo sa heaven! at kung sakaling oo… yayakapin kita ng mahigpit na mahigpit! - seven